MANILA, Philippines — Isang dating sexy actress at live-in partner nito ang nasakote ng mga awtoridad makaraang makumpiskahan ng illegal na droga sa isinagawang operasyon sa San Fernando City, Pampanga nitong Huwebes ng hapon.
Kinilala ang nasakoteng dating sexy actress na si Bridgette de Joya o Michelle Comstock sa tunay na buhay na gumagamit rin ng alyas na Tisay, tubong Olongapo City at ang live-in partner nito na si Marciano Camacam alyas Bong Guevarra, 42-anyos, tubong Ilagan City, Isabela.
Sa ulat ni Chief Supt. Amador Corpus, Director ng Police Regional Office (PRO) 3, dakong alas-4:10 ng hapon nang madakip ng pinagsanib na mga elemento ng Pampanga Provincial Drug Enforcement Unit ng San Fernando City Police at Special Weapons and Tactics (SWAT) team base sa bisa ng search warrant na inisyu ng korte ang mga suspek sa kanilang tinitirhan sa Block 2, Lot 17, Northville, Calulut Resettlement, San Fernando City.
Nakumpiska sa dalawa ang walong plastic sachet ng shabu, limang improvised tooter, isang bundle ng plastic sachet at dalawang bote ng softdrinks na naglalaman ng likidong droga.
Nahaharap ang dating sexy actress at live-in partner nito sa kasong paglabag sa Republic Act 9165.
Si Comstock ay lumabas sa mga maiinit na sexy film noong 2000 at 2001 kabilang ang mga pelikulang “Gigil” at “Kang Kong”.?Huling nabalitaan si Comstock na humiwalay sa asawang aktor na si Miguel Moreno na inakusahan niya ng panggugulpi noong 2013.