MANILA, Philippines — Dalawang pinaghihinalaang miyembro ng rebeldeng New People’s Army (NPA) ang napaslang habang nakubkob din ang kuta ng mga kalaban matapos na makasagupa ng tropa ng pamahalaan sa isang liblib na lugar sa Brgy. Abunda, Magsaysay, Misamis Oriental nitong Martes.
Ayon kay Brig. Gen. Franco Nemesio Gacal, Commander ng 403rd Infantry Brigade ng Philippine Army, dakong alas-7:20 ng umaga nang makasagupa ng tropa ng 23rd Infantry Battalion ng PA ang isang grupo ng mga rebelde sa nabanggit na lugar.
Sinabi ni Gacal na nasa 60 rebelde ang nakaengkuwentro ng kanilang tropa sa inilunsad na security operations.
Nabatid sa opisyal na ang naturang grupo ng mga rebelde ay sangkot sa talamak na pangongotong sa mga residente sa barangay kaya nagsagawa ng security operations ang mga sundalo hanggang masabat ang mga rebelde na nauwi sa bakbakan ng magkabilang panig.
Sa kasagsagan ng bakbakan ay napaslang ang dalawang rebelde na inabandona ng mga nagsitakas nilang mga kasamahan.
Narekober naman sa lugar ang isang AK 47 assault rifle, 12 backpacks at mga subersibong dokumento na pag-aari ng komunistang kilusan.
Sa nasabing bakbakan ay nakubkob din ng tropa ng militar ang kampo ng mga rebelde.