MANILA, Philippines — Nabahiran ng dugo ang isa sanang masayang birthday celebration ng magkakaanak matapos na mapatay sa saksak ng isang ama ang kanyang sariling anak na kanya pang kapangalan sa Brgy. Gen. Luna, sa bayan ng Carrangal, Nueva Ecija, kamakalawa ng hapon.
Hindi na umabot pa nang buhay sa pagamutan dahil sa tinamong dalawang malalalim na saksak sa kanyang katawan ang biktimang si Elpidio Garabillo Jr., 30-anyos, may-asawa ng Brgy. Bunga, Carrangal.
Tinutugis naman ng mga otoridad ang suspek na mabilis na tumakas matapos ang insidente na kinilalang si Elpidio Garabillo Sr., 60-anyos, ng Sitio Dipaan, Brgy. Gen. Luna
Sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas 2:10 ng hapon habang nag-iinuman ang mag-amang Garabillo kasama ang ilan pa nilang kaanak nang bigla umanong magtalo ang mag-ama, ayon kay Joey Sembrano, apo ng suspek.
Buong akala umano ng mga kaanak ng mag-ama na tapos at payapa na ang lahat nang umuwi sa kanyang bahay ang nakatatandang Garabillo.
Ngunit bumalik pala ito sa inuman na may dala nang patalim at walang abug-abog na tinarakan nang dalawang beses ang kanyang anak.
Agad na tumakas ang suspek at nahaharap ngayon sa kasong parricide.