Bangkang pangisda binangga ng barko, 6 nasagip
MANILA, Philippines — Masuwerteng nadaanan ng dayuhang barko ang anim na mangingisdang Pinoy na lumubog ang bangka bunga ng aksidenteng pagbunggo sa kanila ng isang bulk carrier habang matindi ang buhos ng ulan sa Mindoro Strait, kamakalawa.
Sa ipinarating na ulat ng Philippine Coast Guard (PCG), sinaklolohan ng mga crew ng M/V KSL Seoul ang mga mangingisdang kinilalang sina Rodrigo Lungay, 56 anyos; Gerry Guzman, 49, Efepanio Balete, 35; Arturo Egang, 56, Dunio Delgado, 38 at Mario Lungay, 53, na pawang sakay ng lumubog na bangkang Sister Reds.
Sa ulat, naging masyadong madilim ang kalangitan at karagatan dahil sa lakas ng ulan kaya hindi napansin ng ‘di pa tukoy na barko ang maliit na sasakyang pandagat ng mga mangingisda na tumaob.
Habang naglalayag naman sa erya ang dayuhang M/V Seoul ay napansin nila ang mga kakawag-kawag sa tubig na mga tao kaya nagpasya ang kapitan ng barko na si Oliver Wendell Capuli na iligtas ang mga mangingisda.
Matapos makipag-ugnayan sa PCG, rumesponde rin ang BRP Cape San Agustin (MRRV 4408) matapos abisuhan ng Coast Guard Action Center-Manila sa bisinidad ng Bayacas, Lubang Island sa Mindoro Strait., kung saan itinurn-over na ang mga naisalbang mangingisda.
- Latest