MANILA, Philippines — Dahil sa sunod-sunod na patayang naganap sa kanyang nasasakupan, pinatalsik sa puwesto ang hepe ng Antipolo City Police Station na si Sr. Supt. Serafin Petalio.
Si Petalio ay pinalitan ni Supt. Villaflor Sabio bilang officer-in-charge (OIC) ng Antipolo Police.
Ayon sa report, hindi napigil ni Petalio ang sunod-sunod na patayang naganap sa Antipolo City kagaya ng pagpatay kay Supt. Romy Tagnong, legal officer ng Police Regional Office (PRO) 4, makaraang tambangan at pagbabarilin ng riding-in-tandem noong Mayo 4 sa Brgy. Dalig sa Antipolo. Sugatan sa ambush ang misis ni Tagnong.
Nabatid na maging si PO3 Don Carlo Magui ay binaril din at nasawi noong huling linggo ng Mayo sa Barangay Dela Paz.
Naitali rin ang mga insidente ng patayan pagkatapos ng eleksyon tulad ng pamamaslang sa isang kapitan ng Brgy. San Mateo, Rizal na si Danilo Laciste na pinagbabaril habang sakay ng kanyang owner type jeep sa Brgy. Inarawan noong Mayo 10. Gayundin ang pagkakapatay sa dating pulis at natalong kandidato sa pagka-barangay captain na si Rodolfo Lico sa Brgy. San Isidro nitong Mayo 19 at ang pinakahuli ay ang pananambang ng tandem kay Domnador Lucas, empleyado ng Dept. of Energy and Natural Resources (DENR) kamakalawa ng umaga sa Ramos St., Brgy. dela Paz habang papasok siya sa kanyang tanggapan sa Taytay, Rizal.