NORTH COTABATO , Philippines — Patay ang isang publisher ng isang lokal na pahayagan makaraang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Brgy. New Pandan, Panabo City, Davao Del Norte, Huwebes ng hapon.
Kinilala ang biktima na si Dennis Denora, 67, publisher ng diyaryong Trends and Times sa Davao del Norte.
Ayon kay Chief Insp. Frederick Deles, deputy chief ng Panabo City Police, sakay si Denora ng kanyang sasakyan kasama ang drayber nito nang lapitan at barilin ng mga hindi pa kilalang salarin sakay ng motorsiklo dakong ala-1:10 ng hapon.
Batay sa ulat, patay noon din si Denora habang tinamaan ng bala sa kamay ang driver nito na ‘di tinukoy ang pangalan. Kalibre .45 na pistola ang ginamit ng mga suspek batay sa mga bala na narekober sa crime scene.
Sinabi ni Deles, posibleng may kinalaman sa trabaho ni Denora bilang mamamahayag ang pagpaslang sa kanya.
Bumuo na ng Special Investigation Task Group ang Panabo Police para maimbestigahan ang motibo sa pagpatay sa biktima at madakip ang mga salarin.