Lady principal dedo sa SUV

BULACAN  , Philippines  —   Isang babaeng principal ng pampublikong paaralan ang nasawi matapos na masagasaan ng humahagibis na SUV sa Brgy. Bañga 1st sa Plaridel dito, Huwebes ng umaga.

Naisugod pa sa Marcelo Padilla General Hospital subalit hindi na umabot pang buhay ang biktimang si Maria Estella Mendoza, 46, punong guro ng Tibagin Elementary School sa Brgy. Tibagin, Hagonoy at residente ng Brgy. Parulan, Plaridel.

Agad namang tumakas subalit kinalaunan ay kusang sumuko sa pulisya ang nakabundol na si Fernando Angeles III, 26, ng Brgy. Sabang, Baliwag.

Sa ulat ni PO2 Bart Ramos, dakong alas-6:05 ng umaga habang naglalakad ang biktima papunta sa pinapasukang paaralan sa bahagi ng Brgy. Parulan nang biglang sumulpot sa likuran nito ang Mitsubishi Montero (RJL-762) na minamaneho ni Angeles sanhi upang siya ay masalpok at tumilapon ng ilang metro sa kalsada.

Sa halip na huminto, nabangga pa ng natu­rang killer SUV ang nakaparadang Mitsubishi Space Gear (RCU-470) na pag-aari naman ni Encarnacion De Jesus ng Brgy. Santol, Balagtas, Bulacan.

Show comments