Ex-chaplain ng PNP tinambangan

MANILA, Philippines — Isang pari na da­ting director ng Philippine National Police (PNP) Chaplain Service sa Camp Crame ang nasugatan makaraang pagbabarilin ng hindi pa nakilalang mga armadong riding in tandem na mga  suspek sa Calamba City, Laguna kahapon ng umaga.

 Kinilala ng Laguna Provincial Police Office (PPO) Director P/Sr. Supt John Kirby Kraft ang biktima  na si Rev. Father Rey Urmeneta, 64 anyos, nakatalagang pari sa Saint Michael de Arcangel Pa­rish sa Calamba City at isa ring retiradong chaplain ng Calabarzon Police. Siya ay nilalapatan ng lunas sa Calamba Medical Center dahil sa mga tama ng bala sa likurang bahagi ng katawan at braso.

Bandang alas-9:40 ng umaga nang mangyari ang insidente sa likuran ng Laguna College of Business and Arts sa Brgy. 3, Calamba City.

 Sa imbestigasyon, habang lulan ang biktima at sekretarya nitong si Remedios de Belen ng behikulo sa nasabing lugar nang biglang sumulpot ang isang motorsiklo na sinasakyan ng mga suspek at pinagbabaril ang pari.

Ilang saglit pa ay mabilis na tumakas ang mga suspek patungo sa hindi pa malamang destinasyon.

Ayon naman kay Ca­lamba City Police Chief P/Supt. Rossel Cejas, nakatakda sanang du­malo sa isang pagpupulong sa simbahan ang nasabing pari at sekretarya nito nang maganap ang pananambang.

Sinabi ni Cejas na nakausap na niya ang biktima at sinabi nitong maaring ang kaniyang mga pautang ang motibo ng pamamaril sa kanya.

Show comments