NORTH COTABATO , Philippines — Natimbog ang 13 katao nang ikasa ng mga owtoridad ang pagsisilbi ng search warrant sa Poblacion 7, Cotabato City, madaling araw nitong Huwebes.
Ayon kay City Police Station 1 commander, Chief Inspector Reynaldo Delantien, inihain nila ang 18 search warrant na inilabas ni Judge Alandrex Betoya laban sa pamilya Ampuan sa nasabing lugar.
Sinabi ni Delatien na bigo silang mahuli ang mga target matapos na tumakas nang makatunog na paparating ang raiding team. Aniya, nahirapan silang pasukin ang lugar bukod sa madilim ay dikit-dikit pa ang mga bahay na nasa gilid lamang ng ilog.
Nagkaroon rin aniya ng palitan ng putok sa pagitan ng pulisya at ng pamilya Ampuan matapos na unang paputukan ang raiding team.
Isinailalim naman sa interogasiyon ang 13 katao na hindi muna tinukoy ang mga pangalan na naabutan ng pinagsanib na puwersa ng City Police Station 1-4, SWAT team, City Drug Enforcement Unit at Special Forces Battalion, at Philippine Army sa limang mga bahay na target ng mga search warrants sa Tukananes, Poblacion 7.
Nabatid na may dalawang sibilyan na tinamaan ng ligaw na bala sa lugar ngunit agad namang nakalabas ng ospital dahil sa tinamong mga daplis ng bala.