Konsehal na dating COP, nilikida ng NPA
BAYOMBONG, Nueva Vizcaya , Philippines — Isang municipal councilor na dating chief of police (COP) ang pinagbabaril ng mga teroristang New People’s Army (NPA) sa Allacapan, Cagayan kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Sr. Supt. Warren Tolito, police provincial director ang nasawing biktima na si Zaldy Mallari, 58, kasalukuyang Sanguniang Bayan member at dating hepe ng pulisya ng nasabing bayan.
Sa ulat, dakong alas-5:45 ng hapon habang inaayos ng biktima ang mga nabiling spare parts ng sasakyan sa loob ng kanyang welding shop nang lapitan at pagbabarilin siya ng dalawang suspek na nakasuot ng bullcap sa Brgy. Labben.
Agad na inako ng Danilo Ben Command ng NPA ang pagpatay kay Mallari.
Ayon kay Crispin Apolinario, tagapagsalita ng grupo, nagpanggap ang mga operatiba ng kanilang Command na travelers at nangangailan sila ng auto service para malapitan ang biktima at iligpit dahil umano sa war crimes at pang-aabuso sa karapatang pantao nang siya pa ang hepe ng pulisya sa Allacapan noong 2011-2013.
Mariing kinondena ni Maila Ting-Que, presidente ng Philippine Councilor’s League (PCL)–Cagayan Chapter ang pagpatay sa kanilang kasamahan sa konseho.
Kinondena rin ng AFP-NOLCOM ang patraydor na pamamaslang ng NPA hitmen sa nasabing opisyal. Ipinaabot na rin nila at Cagayan government sa pamumuno ni Governor Manuel Mamba, chairman of Provincial Peace and Order Council (PPOC) ang pakikiramay sa mga naulila ni Councilor Mallari. ?
Unang inambus si Mallari noong 2016 subalit nakaligtas habang noong 2017 ay itinumba rin ng NPA ang isa ring konsehal sa Baggao, Cagayan na si Angelo Luis sa pareho ring paratang.
- Latest