Sa huling gabi ng kampanya
TUGUEGARAO CITY, Cagayan , Philippines — Patay ang dating kongresista na asawa ni incumbent La Union Rep. Sandra Eriguel at dalawa nitong bodyguard matapos silang pagbabarilin ng dalawang nakamaskarang suspek habang nagsasalita ang una sa isang pagtitipon ng mga kandidato sa bisperas ng Barangay at SK elections sa Brgy. Capas, Agoo, La Union kamakalawa ng gabi.
Agad bumulagta si dating Congressman Eufranio Eriguel na tinamaan ng bala sa ulo habang nagtatalumpati at mga alalay na sina Bobby Ordinario at Mac Roel Tuvera na niratrat ng mga killers. ?
Ayon kay Senior Supt. Genaro Sapiera, hepe ng La Union Provincial Police Office, nasa kalagitnaan lamang umano ng pagtitipon nang bigla na lamang magkagulo at magtakbuhan ang mga tao matapos makarinig ng sunud-sunod na putok ng baril.
Paliwanag pa ni Sapiera, hindi pa nila alam ang motibo ng pamamaril na itinaon sa huling gabi ng pangangampanya para sa Barangay at SK elections.
Si Eriguel na isa ring doktor ay nagtamo umano ng mga tama ng bala ng baril sa ulo at puso na naging sanhi ng kanyang kamatayan.
Nasa nasabi ring pagtitipon ang asawa ng biktima na si Rep. Eriguel nang maganap ang insidente at siya ring nagbigay ng impormasyon sa mga otoridad.
Matatandaan na noong Abril 30, 2016, tinambangan na rin ang convoy ng mag-asawang Eriguel noong si Sandra pa ang alkalde ng bayan na nagresulta sa pagkamatay ng kanilang driver matapos na taniman ng triggering bomb ang kanilang sasakyan.