MANILA, Philippines — Nakaligtas sa tiyak na kamatayan si Daanbantayan, Cebu Mayor Vicente Loot at kanyang pamilya matapos silang tambangan at pagbabarilin ng mga di kilalang suspek kahapon ng umaga.
Si Loot ay dating police general na pinangalanan ni pangulong Duterte na protektor ng droga.
Lumalabas na pababa na ng bangka ang Alkalde kasama ang kanyang asawa na si dating Mayor Malou Loot, at anak na si Shun Simora na isang board member mula sa Malapascua island nang paulanan sila ng bala ng mga armadong kalalakihan.
Nasugatan sa nasabing insidente ang driver ng pamilya, helper at wharf porter at kaagad dinala sa Cebu Doctors Medical hospital.
Naniniwala si Loot na ang “bounty hunters” ang nasa likod ng pag-atake sa kanila at may kinalaman ito sa pulitika. Nakarating umano sa kanyang kaalaman na may grupo ng bounty hunters ang nasa kanilang lugar.
Matatandaan na idinawit ni Kerwin Espinosa si Loot na tumanggap sa kanya ng P100,000 kada linggo na drug money na mariin naman itong pinabulaanan ng alkalde.