KIDAPAWAN CITY , Philippines — Patay ang kawani ng Autonomous Region in Muslim Mindanao-Humanitarian Emergency Action and Response Team (ARMM- HEART) habang sugatan ang dalawang opisyal ng bayan at dalawa pa nilang kasama nang tambangan ng mga suspek habang bumabagtas sa bahagi ng Tenorio Awang, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.
Kinilala ang nasawi na si Betsy Yap na sinasabing isang buwang buntis habang sugatan ang kasama nitong sina Biatres Beling, at Reymundo Kinlat na pawang konsehal ng South Upi; Jonathan Layson, personal bodyguard at isang Chrispin Beling, lahat ay residente ng South Upi, Maguindanao.
Batay sa ulat, alas-4:00 ng hapon nitong Sabado nang mangyari ang insidente kung saan sakay ang mga biktima sa isang Mitsubishi Lancer (LCJ 624) buhat sa pamilya Yap sa Tenorio at nang paluwas na sa lungsod ng Cotabato ay pinaulanan sila ng bala sa harap ng isang gasoline station ng suspek na naka-motorsiklo. Kalibre .45 na pistola ang ginamit sa pamamaril sa mga biktima na tadtad ng tama ng bala ang harapan ng kanilang sasakyan, ayon sa report.
Ang mga sugatan ay mabilis namang isinugod sa Notre Dame Hospital sa Cotabato City para mabigyan ng medikal na atensiyon habang si Yap naman ay ideneklarang dead on arrival.
Pulitika ang isa sa mga anggulong sinusundan sa nangyayaring pananambang.