Cartographic sketch ng killer ng pari inilabas
SANTIAGO CITY, Cagayan, Philippines — Inilabas na ng pamunuan ng Police Regional Office 02 (PRO2) na nakabase sa Tuguegarao City, Cagayan ang computerized na anyo ng suspek sa pagpatay sa isang pari sa Gattaran, Cagayan noong Linggo.
Inihayag ni P/Chief Supt. Jose Marion Espino, regional police director na ang motibo sa pagpatay kay Fr. Mark Ventura, 36, tubong Tuao, Cagayan ay may kaugnayan sa personal na alitan.
Sinabi ni Espino na ang mga suspek ay isang hired killers batay na rin sa imbestigasyon na isinagawa ng Special Investigation Task Group (SITG) na binuo ng pulisya para mapabilis ang imbestigasyon sa nasabing kaso.
Lumalabas na unang tinungo ng mga suspek ang San Isidro Labrador Parish Church sa Brgy. Mabuno kung saan nakatalaga ang pari bilang parish priest at nang malaman umano na nagsasagawa siya ng misa sa Barangay Piña West ay kanilang sinundan. Nang marating naman umano ng mga suspek ang lugar, muling kinumpirma ng isa sa mga suspek sa sakristan ng pari na noon ay nag-aayos sa sasakyan ng biktima na nakaparada sa gilid multi-purpose hall kung saan ginanap ang misa, kung ano ang pangalan ng pari na nagsagawa ng misa.
Ayon kay Espino, malinaw umanong hindi personal na kilala ng mga suspek ang biktima.
- Latest