KIDAPAWAN CITY, Philippines — Arestado ang dalawang umano’y notoryus na tulak ng droga sa inilatag na drug buy-bust operation ng mga awtoridad sa City Plaza sa Cotabato City noong Biyernes.
Kinilala ang mga nadakip na sina Benjie Kaurak Macmod alyas Datu, 20-anyos, driver, ng Barangay Tenorio, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao at Tahir Mamasingod Kabalu, 38-anyos, driver at residente ng Upper Capiton, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.
Batay sa ulat, mag-aalas-2:00 ng hapon kamakalawa nang ikinasa ang drug buy-bust operation sa City Plaza na pinangunahan ni PDEA ARMM Director Juvenal Azurin kasama ang 5th Special Force Battalion, City Police Drug Enforcement Unit (CPDEU), CCPO-Police Station-1, Highway Patrol Group, Explosive and Ordinance Disposal (EOD), Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-ARMM, TMC Cotabato City at Cotabato City LGU-Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC).
Nagpanggap ang isang ahente ng PDEA-ARMM para bumili ng P50,000 halaga ng shabu sa high value target na suspek, pero nabulaga sila matapos na umaabot sa 20 jumbo sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P6.8M ang bitbit ng mga suspek.
Nakuha rin sa pag-iingat ng mga suspek ang dalawang granada.