MANILA, Philippines — Malagim ang sinapit na kamatayan ng dalawang magsasaka ng niyog makaraang pugutan ng ulo ng hindi pa kilalang mga salarin sa liblib na lugar sa Purok Lansones, Brgy. Gumadong Calawag, Parang, Maguindanao nitong Biyernes ng gabi.
Kinilala ang mga biktima na sina Ceasar Fermin, 42 anyos at Jabon Vistas, 21; pawang residente sa lugar.
Ayon kay Sr. Insp. Jemar delos Santos, Spokesman ng ARRM Police dakong alas-9 ng gabi nitong Biyernes nang humingi ng pahintulot ang dalawang magsasaka sa may-ari ng koprahan ng niyog na makikitulog sa kubo sa may pugon o lutuan ng kopra nasabing lugar. Ang koprahan ay nasa 200 metro lamang ang layo mula sa tahanan ng farm owner.
Gayunman, kinabukasan dakong alas-5 ng umaga nitong Sabado nang magulantang ang mga residente dito nang madiskubre ang mga biktima na pawang napugutan ng ulo. Itinapon pa ang mga salarin may ilang metro ang layo ng ulo ng dalawa mula sa kanilang mga katawan.
Kaugnay nito, ipinag-utos na ni ARMM Police Director Chief Supt Graciano Mijares ang masusing imbestigasyon sa kaso upang mabatid ang motibo sa krimen at mapanagot ang mga suspek. Roderick Beñez