13 drug suspek utas

Shootout sa Bulacan

MANILA, Philippines — Labingtatlong pinaghihinalaang mga tulak ng droga ang bumulagta matapos na manlaban ang mga ito sa mga pulisya sa magkakasunod na anti-drug operations na ikinasa sa lalawigan ng Bulacan nitong Biyernes.

Ito’y naganap ilang oras matapos na umupo si P/Director General Oscar Albayalde bilang bagong hepe ng Philippine National Police (PNP) na nagpakita ng masigasig na anti-drug operations ang Bulacan Police.

Sa ulat na tinanggap ni Police Regional Office (PRO) 3 Chief Supt. Amador Corpus mula sa Bulacan Police, pasado alas-12:01 ng madaling araw nang magsimula ang  simultaneous anti-drug operations sa buong lalawigan.

Ayon sa ulat, nasa 49 anti-drug operations ang inilunsad ng Bulacan Police  kabilang dito ang 46 buy-bust operations, isa sa checkpoint at dalawa naman ang sinilbihan ng warrant of arrest.

Nasa 12 armadong bakbakan naman ang naganap na ikinasawi ng pinaghihinalaang drug pushers sa mga bayan ng Bocaue, Pandi, Sta. Maria, Plaridel, Pulilan, Baliwag, San Rafael, at sa mga lungsod ng Malolos at San Jose del Monte.

Nasa 58 namang drug pushers ang nasakote kabilang ang High Value Target na aktor na si Julio Diaz, Mariano de Leon sa tunay na buhay.

Nakumpiska sa natu­rang mga operasyon ang nasa 216 sachets ng shabu, isang brick ng marijuana at 26 sachet ng pinatuyong dahon. Ang nasabing droga ay tinatayang nagkakahalaga ng P.5-milyon.

Nasamsam din sa naturang operasyon ang iba’t-ibang uri ng baril at isang granada habang patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa naturang operasyon.

Show comments