MANILA, Philippines — Dalawang miyembro ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang napaslang kasunod nang pagkakasilat ng tropang gobyerno sa planong paghahasik ng karahasan ng teroristang grupo sa naganap na engkuwentro sa Brgy.Upper Bala, Magsaysay, Davao del Sur nitong Miyerkules ng tanghali.
Ayon kay Major Ezra Balagtey, Spokesman ng AFP-Eastern Mindanao Command dakong alas-11:30 ng tanghali nang magresponde ang mga elemento ng Army’s 39th Infantry Battalion (IB) matapos na ireport ng mga sibilyang residente ang isinasagawang pagpupulong ng mga armadong NPA at ng mga kasapi ng Milisyang Bayan sa kagubatan ng nasabing lugar.
Ayon kay Balagtey paparating pa lamang ang tropa ng militar sa naturang barangay nang salubungin ng bala ng tinatayang nasa 30 mga armadong terorista na nauwi sa bakbakan ng magkabilang panig.
Ang palitan ng putok ay tumagal ng isang oras na ikinasawi ng dalawang NPA terrorists fighters na kapwa inaalam pa ang pagkakakilanlan na inabandona ng mga nagsitakas nilang mga kasamahan at pagkakarekober ng dalawang M16 rifles.
Wala namang naiulat na nasugatan sa panig ng tropa ng militar sa nangyaring engkuwentro.
Samantalang natukoy naman ang mga lider ng NPA na sina Norma Capuyan alyas Ka Libra, Dave Verano alyas Ka Borjack at Eusebio Cranzo alyas Ka Brix.