MANILA, Philippines — Pinagbabaril nang malapitan at napatay ang isang 52-anyos na negosyanteng ginang ng hindi pa nakilalang riding in tandem na nangholdap sa kaniyang tindahan sa Ligao City, Albay kamakalawa ng hapon.
Dead-on-the-spot sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang nakilalang si Lilibeth Rigay, 52, residente ng Purok 7, Barangay Abella ng nasabing lungsod.
Agad namang tumakas ang hindi pa nakilalang mga suspek sakay ng kanilang motorsiklo.
Batay sa report ng Police Regional Office (PRO) 5, naitala ang krimen pasado alas-3:00 ng hapon nang dumating ang riding in tandem sa lugar at agad nilapitan ang biktima na nagbabantay ng tindahan.
Agad na nagdeklara ng holdap ang mga suspek pero pumalag ang ginang kaya nairita ang mga suspek at pinagbabaril ito.
Agad namang tumakas ang mga suspek matapos ang pamamaril sa ginang na duguang bumulagta sa insidente.
Kasalukuyan namang inaalam ng mga otoridad kung magkano ang natangay ng mga salarin sa tindahan ng nasabing ginang.