MANILA, Philippines — Labing-apat na kabataang inmates na may edad 18 pababa ang nakapuga sa pansamantalang kulungan ng mga ito sa Bulacan Provincial Capitol habang nahaharap sa kasong kriminal at administratibo ang dalawang jail guards na nagpabaya umano sa naganap na jailbreak kamakalawa ng gabi sa Brgy. Guinhawa sa Malolos City sa lalawigan ng Bulacan.
Kasalukuyan pang tinutugis ang sampung lalaki na may kinasasangkutang kasong kriminal na nagmula sa iba’t ibang bayan dito habang apat na ang muling naaresto sa isinagawang manhunt operation ng pulisya.
Sa imbestigasyon nina PO2 Alberto Escartin at PO3 Alexander Andal, dakong alas-7:30 ng gabi ay kasalukuyang kumakain ng hapunan ang mga house parents na sina Mary Rose Buenaflor at Gerardo Bolongan kasama ang mga nakatalagang duty provincial guards na sina PG1 Klish Rannz Tolentino at PG1 Leilanie Caparas sa lobby ng Tanglaw Pag-Asa Youth Rehabilitation Center sa naturang lugar.
Habang kumakain ang mga ito ay dito na sinamantala ng mga inmates ang pagsira sa kandado ng pintuan ng kulungan nang hindi namamalayan ng mga nakatalagang empleyado saka tumakbo sa iba’t ibang direksyon.
Nang magsagawa na ng head count sa mga preso ay dito na natuklasan ang pagtakas ng inmates saka kaagad na nagsagawa ng manhunt operation na ikinaaresto ng apat na pugante.
Nakatakda namang magsagawa ng masusing imbestigasyon ang pamunuan ng kulungan habang posibleng masibak sa trabaho at maharap kasong administratibo ang dalawang provincial guards na hinihinalang nagpabaya sa kanilang trabaho.