MANILA, Philippines — Nasawi ang tatlong katao kabilang ang isang paslit habang isa naman ang sugatan matapos na salpukin ng isang van ang sinasakyan nilang traysikel sa kahabaan ng national highway ng Brgy. Bolo Sur sa bayan ng Sipocot, Cam Sur kamakalawa ng hapon.
Nagkaluray-luray ang mga katawan at nabasag ang ulo ng mga pasaherong sakay ng traysikel (EA-34288) na kinilalang sina Aripa Aguilar, 4-anyos, Agnes Aguilar Antones, 45-anyos at Aida Ilan Pantalla, 57 taong gulang, pawang mga residente ng Brgy. Bolo Norte habang sugatan naman ang driver ng trike na si Nicanor Pantalla.
Sa police report na nakarating sa Camp Gen. Simeon Ola, dakong alas-4:30 ng hapon, magkasalubong na binabagtas ng dalawang sasakyan ang highway nang biglang nag-lock ang preno ng van (EVT-932) na minamaneho ni Erwin Yanto, 38-anyos, residente ng Brgy. Biyong sa bayan ng Cabusao at nawalan nang kontrol kaya diretso itong tumawid sa kabilang linya kung saan nasalpok nito ang kasalubong na traysikel na sinasakyan ng mga biktima. Sa lakas nang pagkakabanga, ay nawasak ang trike at tumilapon ang lahat ng sakay nito.
Sinubukan pang isugod sa Bicol Medical Center sa Naga City ang mga biktima pero idineklarang patay sina Aguilar, Antones at Pantalla.
Arestado at sinampahan ng kaso ng Sipocot Police ang driver ng van na si Yanto.