MANILA, Philippines — Nadakip ng tropa ng militar ang limang pinaghihinalang miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ISIS (Islamic State of Iraq and Syria) inspired sa isinagawang assault operation sa kuta ng mga lokal na terorista sa liblib na lugar sa bayan ng Paglat, Maguindanao kamakalawa.
Sa ulat ni Lt. Col. Harold Cabunoc, Commander ng Army’s 33rd Infantry Battalion (IB) bandang alas -5:30 ng umaga nang isagawa ng pinagsanib na elemento ng Special Action Force at ng kaniyang mga tauhan ang assault operation na ang target ay ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) faction na pinamumunuan ni Sindatok Dilna alyas Motolite na kilalang kapanalig ni Gani Saligan ng BIFF.
Pinaigting ang opensiba na ginamitan ng armored vehicles mula sa 1st Mechanized Infantry Battalion (IB) at ng assault team ng Army’s 33rd Infantry Battalion at 4th Special Action Battalion laban sa natukoy na pinagkukutaan ng nasabing grupo ng BIFF sa liblib na lugar sa Brgy. Tual ng bayang ito at naaresto ang lima habang nagtatangkang tumakas.
Narekober sa lugar ang tatlong mga armas na kinabibilangan ng isang cal 5.56 MM AR 18, armalite rifle at dalawang M1911 A1 cal 45 pistol.