MANILA, Philippines — Apat na bata ang nilamon ng ilog sa magkakahiwalay na insidente ng pagkalunod sa lalawigan ng Oriental Mindoro at Bulacan, ayon sa mga opisyal kahapon.
Sa Oriental Mindoro, sinabi ni Supt. Imelda Tolentino, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO) IV B, patuloy pa rin ang search and retrieval operation sa magpinsang biktima na sina Jasmine Rodriguez Magcamit, 10-anyos at Jhen Santia Magcamit, 9 taong gulang; pawang mga estudyante ng Pola Central School.
Ayon kay Tolentino, ang dalawang biktima ay hindi nagpaalam sa kanilang mga magulang na maliligo sa ilog sa Brgy. Batuhan, Pola nang mangyari ang insidente kamakailan at nabatid lamang ito sa isa pa nilang pinsan na nakaligtas sa pagkalunod.
Sinabi nito na mabilis na nagresponde ang pinagsanib na elemento ng pulisya at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) pero hanggang ngayon ay bigo pa ring matagpuan ang dalawang biktima.
Iniulat naman ng Bulacan Police, ang pagkalunod ng dalawa pang bata sa Bitbit River, Norzagaray, Bulacan noong Miyerkules ng hapon na naireport lang sa pulisya kamakalawa.
Ang mga ito ay nakilalang sina Juneil Sayno, 13, at Ajummakim Atendido, 7 taong gulang; pawang tinangay ng rumaragasang tubig patungo sa Angat Dam.
Natagpuan naman ang bangkay ng mga ito makalipas ang 20 oras matapos na lumutang sa nasabing ilog.