Rider na parak salpok sa bus, dedo

Nagkalat sa kalsada ang dugo mula sa nabasag na bungo kahit pa man nakasuot ng helmet ang biktimang pulis na si PO2 Alvin Roy Alperes dahil sa tindi ng pagkakasalpok sa nakasalubong na bus naganap sa Maharlika National Highway sa Zone 2, Brgy. Agos sa bayan ng Bato, Cam Sur, Miyerkules ng hapon.
Kuha ni Jorge Hallare

MANILA, Philippines — Nasawi noon din ang isang parak matapos sumalpok ang kanyang motorsiklo sa kasalubong na bus sa kahabaan ng Maharlika National Highway sa Zone 2, Brgy. Agos sa bayan ng Bato, Cam Sur, Miyerkules ng hapon.

Lasog ang katawan at basag ang bungo ng nasawing pulis na kinilalang si PO2 Alvin Roy Alperes, 32-anyos, residente ng Brgy. Bolod-San Pascual, Iriga City at naka-assign sa Libmanan Municipal Police Station.

Sa police report na nakarating sa Camp Gen. Simeon Ola, dakong alas-3:00 ng hapon, pauwi na ang biktima lulan ng kanyang motorsiklo at binabagtas ang kahabaan ng highway nang subukan nitong mag-overtake sa isa pang sinusundang sasakyan.

Gayunman, kinapos ang biktima kaya sumalpok ito sa kasalubong na RG-Guevarra Bus (EAP-568) na minamaneho ni Manuel Coronel, 52-anyos, residente ng Brgy. San Nicolas, Iriga City. Sa lakas nang pagkakabangga ay tumilapon ang biktima mula sa minamanehong motorsiklo at nang  bumagsak sa kalsada ay lasog na ang katawan at basag ang bungo kahit pa man siya’y nakasuot ng helmet.

Sumuko naman at sinampahan ng kaso ang driver ng bus.

Show comments