10 BIFF todas sa airstrike, 4 sumuko
MANILA, Philippines — Nasa 10 miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang napaslang habang apat ang sumuko sa isinagawang airstrike operations kaugnay ng patuloy na opensiba ng tropa ng militar laban sa teroristang grupo sa Central Mindanao, ayon sa opisyal kahapon.
Sinabi ni Lt. Col. Gerry Besana, commander ng 6th Civil Military Operations (CMO) Regiment at Spokesman ng Joint Task Force (JTF) Central, nagsimula ang airstrike nitong Lunes laban sa grupo ni BIFF Commander Bungos sa Brgy. Pamalian at Brgy Pagatin; pawang sa Shariff Saydona Mustapha, Maguindanao.
Si Bungos ay si Esmael Abubakar na humalili sa lider ng BIFF at founder na si Ameril Umbra Kato na napatay sa assault operation ng tropa ng militar noong 2015. Ang BIFF ay tatlong paksyon na pawang nakipag-alyansa at supporters ng teroristang Islamic State of Iraq and Syria (ISIS).
Ayon kay Besana, naglunsad ng airstrike ang topa ng militar sa loob ng halos isang oras laban sa tinatayang 30-40 BIFF fighters sa Brgy. Pagatin kaugnay ng puspusang opensiba ng tropang gobyerno laban sa nasabing grupo na sangkot sa paghahasik ng terorismo sa Central Mindanao.
Samantala, dalawa namang sundalo ang nasugatan sa inilunsad na operasyon ng tropa ng pamahalaan.
Nakarekober ang tropa ng militar ng 20 mga armas at sinira rin ang dalawang makina na gamit ng BIFF sa paggawa ng mga armas habang nakumpiska rin ang mga magazines at mga bala.
Kaugnay nito, apat namang BIFF ang sumuko sa tropang gobyerno matapos na makorner sa nasabing opensiba.
“We will continue our pursuit of terror groups like the BIFF that threaten the peace and security of communities,” pahayag naman ni JTF Central Commander Major General Arnel Dela Vega.
- Latest