MANILA, Philippines — Huli sa mga alagad ng batas ang isang lalaking miyembro ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (KADAMAY) na pangunahing suspek sa panggagahasa sa isang menor-de-edad na miyembro rin ng samahan matapos na matunton ito sa pinagtataguang lugar sa Brgy. Bañga, Meycuayan City lalawigan ng Bulacan, Linggo ng umaga.
Kasalukuyan nang nakadetine sa Kampo Alejo Santos sa Malolos City ang suspek na si Randy Bulos, 38-anyos, printing press helper, tubong-Samar at residente ng Pandi Heights II, Brgy. Cacarong Matanda sa bayan ng Pandi.
Sa isinumiteng ulat ni P/SInsp. Ericson Miranda ng 4th Platoon kay P/Supt. Ferdinand Germino ng Provincial Mobile Force Company dakong alas-8:30 ng umaga ay isang impormante ang nag-tip hinggil sa presensya ng suspek na kasalukuyan nagtatrabaho sa isang printing press sa Brgy. Bañga, Meycauayan City.
Nang makumpirma ay kaagad pinuntahan ng mga pulis ang naturang lugar bitbit ang mandamiento de arresto na ipinalabas ni Hon. Judge Frlerida Zaballa- Bansuela ng RTC Br. 17 sa Malolos City para sa kasong 3 counts of Rape in Relation to R.A. 7610 na walang inirekomendang piyansa sa kanyang kalayaan na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek.
Nabatid na naganap ang tatlong beses na panggagahasa sa isang menor-de-edad na babae na itinago sa pangalang “Nene” 15-anyos at kapitbahay ng suspek sa naturang pabahay sa bayan ng Pandi noong nagdaang Enero.
Tinatakot pa umano ang biktima na sasaktan sakaling isumbong ang pangyayari ngunit isinumbong naman ng biktima sa kanyang mga kaanak na nagresulta ng pagkakaaresto nito.