MANILA, Philippines — Dead-on-the-spot ang isang retiradong sundalo makaraang pagbabarilin ng mismong kapatid nitong babae sa Sitio Mahulamod, Brgy. Liliongan, Carmen, North Cotabato, kamakalawa, ayon sa ulat.
Kinilala ang nasawing biktima na si Jerome Mampenayo, 45 taong gulang, dating kasapi ng Philippine Army at naninirahan sa Brgy. Katiko, President Quirino, Sultan Kudarat.
Ang suspek na kapatid ng biktima ay nakilala namang si Elena Mampenayo Orbina, 34 taong gulang.
Sa ulat, sinabi ni Supt. Bernard Tayong, Spokesman ng North Cotabato Police, nangyari ang krimen dakong alas-12:45 ng tanghali nang magtungo ang biktima sa bahay ng kapatid na babae na umano’y may dalang itak upang komprontahin ang huli sa partehan sa lupaing pamana ng kanilang mga magulang.
Nang akmang papasok pa lamang si Mampenayo sa bahay ng kanyang kapatid ay pinagbabaril na siya ni Elena na agad naman niyang ikinasawi.
Narekober naman sa crime scene ang mga basyo ng bala ng cal. 45 pistol na siyang ginamit sa krimen.
Boluntaryo namang sumuko ang suspek matapos na mangyari ang krimen.