6 sundalo sugatan
MANILA, Philippines — Bumulagta noon din ang limang miyembro ng terorista at bandidong grupo ng Abu Sayyaf habang anim naman sa hanay ng militar ang sugatan nang sumiklab ang bakbakan sa pagitan ng magkabilang panig sa Barangay Panglahayan, Patikul, Sulu kamakalawa ng hapon.
Sa ulat ni Lieutenant General Carlito Galvez, Jr., dakong alas- 2:31 ng hapon habang nagsasagawa ng Focused Military Operations (FMO) ang tropa ng Army’s 5th Scout Ranger Battalion sa ilalim ng superbisyon ni Lt. Colonel Marlon Jomalesa nang maka-engkwentro ang nasa 30 armadong miyembro ng bandidong grupo nina Abu Sayyaf Leader Radulan Sahiron at ng mga sub-leaders na sina Julie Ekit, Amlon Abtahi at Amah Asam.
Tumagal naman ng higit sa isang oras at tatlumpung minuto ang palitan ng putok kung saan nang humupa na at nagsitakas ang mga kalaban ay nakuha sa clearing operation ang dalawang mataas na kalibre ng baril kabilang na dito ang Elisco M16A1 rifle at Colt M16A1 rifle na pag-aari ng mga bandido.
“In his report, Lt. Col. Jomalesa said that they were able to creep in as close as 20 meters that is why they were able to fire at the enemy at close range. They were just very careful due to the possible presence of kidnap victims with the Abus,” ani Galvez.
Sinabi naman ni Joint Task Force Sulu Commander Brigadier General Cirilito Sobejana na ang mga naitalang casualty mula sa panig ng Abu Sayyaf ay base na rin sa mga bakas ng dugo na naiwan sa lugar at sa mga nakuha nilang impormasyon.