Bus hulog sa bangin: 2 patay, 15 sugatan
Binangga ng kasunod na trailer truck
ATIMONAN, Quezon , Philippines — Dalawa ang kumpirmadong patay habang 15 ang nasugatan makaraang mahulog ang isang pampasaherong bus sa malalim na bangin na binangga ng isang trailer truck na tumama naman sa kasalubong na trak habang tumatakas sa highway na sakop ng Brgy. Sta.Catalina, nasabing bayan kamakalawa ng gabi.
Idineklarang dead-on-arrival sa ospital dahil sa grabeng pinsala sa ulo at katawan ang driver ng Philtranco Bus (ABG-8689 ) na si Juan Manuel Vinas III, 28, ng Naga City, gayundin ang isa niyang pasahero na si Lorenzo Salundaguit, 52, ng Las Piñas City.
Ayon kay P/Chief Insp. Alexis Nava, chief of police dito, dakong alas-9:15 ng gabi habang patungo sa direksyon ng Maynila ang Philtranco bus nang pagsapit sa kurbadang bahagi ng kalye ay binangga ito sa hulihan ng trailer truck (NLB-922) na minamaneho ni Flacielito Agustin.
Dahil sa lakas ng pagkakabangga, nawalan ng kontrol sa manibela si Vinas at tuluyang nahulog ang kanyang minamanehong bus sa bangin na may lalim na 40 talampakan na ikinasugat ng mga pasaherong sina Manuel de Belen, Eric Obis, Jessica de Luna, Grezza Llamas, Elena Balladolid, Sofia Jarole, Danilo Gregorio, Mateo Jarque, Joebert Clorado, Susana Rivero, Renato Sabordo, Joshua Membres, Paulino Omiping at Molinilla Rogelio na pawang isinugod sa mga ospital sa Atimonan at Lucena City matapos na irescue ng pulisya at BFP.
Sinabi ni Nava na matapos banggain ng trailer truck ni Agustin ang bus ay pinasibad nito ang sasakyan upang tumakas subalit nabangga naman ang kasalubong na isa ring trak na minamaneho ni Omiping na naging sanhi upang matanggal ang tractor head ng una.
Nasa kritikal na kondisyon sa ospital si Agustin dahil sa matinding sugat na tinamo sa ulo at katawan.
- Latest