LEGAZPI CITY, Albay , Philippines — Nailigtas ang isang bagong silang na babaeng sanggol matapos ibaon nang buhay ng hindi kilalang ina o magulang nito makaraang matagpuan ng isang residente na duguan at nakabaon sa lupa sa isang liblib na lugar sa Brgy. Bagumbayan Grande, Goa, Camarines Sur kahapon ng madaling araw.
Nakakabit pa ang ambilical cord ng babaeng sanggol nang matagpuan na nakalibing sa mababaw na hukay na pinaniniwalaang kasisilang pa lang.
Ayon sa ulat sa Camp Gen. Simeon Ola, pasado alas-5 ng umaga nang mapansin ng isang residente na naglalakad ang patak ng dugo sa lupa nang mapadaan siya sa hindi mataong bahagi ng nasabing barangay. Nang kanyang sundan ang mga patak ng dugo at hukayin ay nakitang padapang nakalibing ang sanggol habang napansin na humihinga pa at may pulso kaya agad na isinugod sa Goa Infirmary Hospital kung saan nailigtas at nasa mabuti nang kalagayan. Nakitaan din ng sugat sa braso ang sanggol na posibleng tinamaan ng itak o patalim na ginamit sa paghukay.
Sinisiyasat ng awtoridad ang insidente upang matukoy ang walang pusong ina na posibleng may kagagawan sa tangkang pagpatay sa sanggol.