Opisyal ng NPA timbog sa Butuan
MANILA, Philippines — Isang mataas na lider na naman ng teroristang New People’s Army (NPA) ang bumagsak sa kamay ng militar at pulisya sa isinagawang operasyon sa Brgy. Bading, Butuan City nitong Biyernes ng hapon.
Kinilala ni Major Ezra Balagtey, tagapagsalita ng AFP-Eastern Mindanao Command ang nasakoteng lider ng NPA terrorists na si Leonida Guao na kilala rin sa mga aliases na ‘Ka Ligaya’, ‘Ka Leah’, at ‘Ka Laya’, tumatayong finance officer ng NPA terrorists sa buong Mindanao.
Batay sa ulat, dakong alas-3:00 ng hapon nang matimbog ng Army’s 4th Infantry Division (ID) at ng CARAGA Police ang suspek sa isinagawang law enforcement operation sa nasabing lugar.
Ayon kay Balagtey, ang suspek ay nasakote sa bisa ng inisyung warrant of arrest ng Regional Trial Court Branch 7 ng Bayugan City, Agusan del Sur kaugnay ng kasong murder na kinakaharap nito.
Isinailalim na sa kustodiya ng PNP Criminal Investigation Group ng CARAGA Police si Guao kaugnay ng kaso nitong kriminal.
Kaugnay nito, pinapurihan naman ni Lt. Gen. Benjamin Madrigal Jr.,Commander ng AFP-Eastern Mindanao Command ang kooperasyon ng mga ahensya ng pamahalaan at ng komunidad na nagresulta sa matagumpay na pagkakaaresto sa suspek.
- Latest