Anak kinatay ng ‘adik’ na ama

Kinilala ang biktimang hindi na umabot pa nang buhay sa pagamutan na si Jean Dave Evangelista, Grade VI pupil, sanhi ng mga tinamong tama ng saksak sa dibdib at kaliwang kamay. File
MANILA, Philippines — Kalunus-lunos na kamatayan ang sinapit ng isang 13-anyos na dalagita na noon ay mahimbing na natutulog sa kanilang tahanan nang bigla na lang umano itong walang awang pagsasaksakin hanggang sa mapatay ng kanyang sariling ama na pinaniniwalaang ‘sabog’ o nagha-‘hallucinate’ dahil sa droga na naganap sa Villasis, Pangasinan nitong Sabado ng madaling araw.
Kinilala ang biktimang hindi na umabot pa nang buhay sa pagamutan na si Jean Dave Evangelista, Grade VI pupil, sanhi ng mga tinamong tama ng saksak sa dibdib at kaliwang kamay.
Nahaharap naman sa kasong parricide ang suspek na kinilalang si Pablito Evangelista, 47-anyos sa pagpatay sa bunso sa apat nitong anak.
Batay sa ulat ng pulisya, naganap ang karumal-dumal na krimen dakong alas-2:40 ng madaling araw sa loob ng tahanan ng pamilya Evangelista sa Gen. Funston St., Poblacion Zone IV sa bayan ng Villasis ng lalawigan.
Ayon sa imbestigasyon, ang suspek ay nakitang tila balisa at hindi mapakali sa paglalabas-masok sa kanilang compound kung saan nakaburol ang kapatid nitong si Marcelina Aganon.
Nakatayo umano ang suspek sa pintuan ng kanilang bahay nang biglang sunggaban nito ang isang matalim na kutsilyo sa kusina saka bigla na lamang pinag-uundayan ng saksak ang natutulog na anak.
Agad namang naaresto ng mga pulis ang suspek at sinabi nito na wala umano siya sa kanyang sarili nang mangyari ang pamamaslang kung saan nakakarinig siya umano ng boses na binubulungan siyang patayin ang sariling anak.
Nakatakda namang isailalim sa drug test ang nasabing suspek upang alamin kung nasa impluwensya ito ng droga nang maganap ang pamamaslang.
- Latest