MANILA, Philippines — Patuloy ang pag-arang kada ng crackdown ng pamahalaan makaraang isa na namang mataas na opisyal ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) ang nasakote at nadakip sa pinagsanib na operasyon ng tropa ng militar at ng pulisya sa Ozamis City, Misamis Occidental nitong Huwebes.
Kinilala ni Police Regional Office (PRO) Spokesman P/Sr. Supt. Lemuel Gonda ang nasakoteng lider na si Rommel Salinas, 45-anyos, secretary ng CPP na kabilang sa mga target ng operasyon laban sa mga wanted na lider ng komunistang grupo na idineklarang mga terorista ng pamahalaan.
Bandang alas-11:00 ng tanghali, ayon kay Gonda nang masakote ng pinagsanib na elemento ng Army’s 10th Infantry Battalion (IB) ng Philippine Army at ng Ozamis City Police si Salinas sa operasyon sa Bernard Subdivision, City Hall Drive, Brgy. Aguada ng lungsod.
Ayon sa opisyal, si Salinas ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng korte sa kasong frustrated murder at destructive arson noong Oktubre 2013.
Isinailalim na sa kustodya ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) si Salinas sa Brgy. Tinago, Ozamis City kaugnay ng kaso nitong kriminal.
Nasakote si Salinas, isang araw naman matapos na mahuli rin ng mga awtoridad si Rafael Baylosis, isa sa mga consultant ng CPP-National Democratic Front (CPP-NDF) sa operasyon sa Katipunan Avenue, Quezon City. Kasama rin sa mga nasakote si Guillermo Roque.
Kaugnay nito, naisailalim na rin sa inquest proceedings sina Baylosis at Roque sa Camp Crame kaugnay ng kasong illegal possession of firearms, ammunitions and explosives.
Inaasahan namang susunod ng masasakote ang iba pang mga lider at opisyal ng CPP-NDF na target ng dragnet operations ng security forces.