MANILA, Philippines — Pinaniniwalaang matinding depresyon ang isa sa motibo kaya kusang nagpasalubong kay kamatayan ang 71-anyos na lolo matapos itong magbaril sa sarili sa Zamboanga City kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang biktima na si Benedicto Remigio, tubong Cebu City at naninirahan sa Governor Alvarez, Brgy. Zone 3 sa nasabing lungsod.
Sa ulat ng Police Regional Office (PRO) 9, naganap ang insidente sa bisinidad ng Forest Lake Memorial Park sa Brgy. Tumaga bandang alas-2:38 ng hapon.
Sa police report na nakarating sa Camp Crame, nagtungo ang biktima sa loob ng nasabing memorial park na nakita pa ng ilang residente na balisang umiikot sa nasabing lugar.
Ilang saglit pa ay umalingawngaw ang putok ng baril matapos na magbaril sa sarili ang matanda gamit ang cal. 22 revolver.
Narekober naman ng mga awtoridad ang dalawang basyo ng bala ng nasabing armas at tatlo ring bala na hindi pa naiputok.