NORTH COTABATO , Philippines — Kamatayan ang sinapit ng 35-anyos na drug peddler matapos itong pumalag at makipagbarilan sa anti-drug operation ng mga pulis sa Purok 4, Barangay Kabulakan sa bayan ng Lambayong, Sultan Kudarat noong Martes. Kinilala ang napatay na si Kle Bula ng Barangay Madanding sa nasabing bayan. Batay sa ulat ng pulisya, una na umanong sumuko sa Oplan Tokhang si Bula subalit bumalik ito sa pagtutulak ng droga kaya isinailalim sa anti-drug operation. Gayunman, nakahalata naman si Bula na pulis ang kanyang ka-deal kaya lumaban at naghagis ng granada. Agad naman na-nuetralize ng mga pulis si Bula na nakipagbarilan at napatay kung saan hindi naman sumabog ang granada. Narekober ng pulisya sa encounter site ang baril na ginamit ni Bula, pakete na shabu at ang nakaw na motorsiklo na walang plaka.