LEGAZPI CITY, Albay , Philippines — Nakaligtas sa tiyak na kamatayan ang anim na sakay ng cessna plane ng Central Bank of the Philippines matapos itong mag crash landing sa gilid ng runway sa Bicol International Airport sa Barangay Alobo sa bayan ng Daraga, Albay kahapon ng umaga.
Walang nasaktan sa mga pasahero ng eroplano sa pangunguna ng piloto na si Capt. Jun Flores Pangilinan.
Sa inisyal na ulat na ibinigay ni P/Chief Inspector Arthur Gomez, hepe ng investigation division ng Albay Police, dakong alas-11:30 ng umaga ay napilitang mag-emergency landing ang nabanggit na eroplano na patungong Legazpi City Airport mula sa Metro Manila makaraang bayuhin ng malalakas na hangin sa ere.
Gayunman, sa lakas nang hangin ay nag-over shoot ang eroplano sa kaliwang bahagi ng runway saka sumadsad ng may ilang metro sa lupa.
Tumanggi na umanong magbigay pa ng detalye ang pamunuan ng Central Bank-Legazpi para sa seguridad.
Ayon sa mga nakasaksi na posible umanong may dalang malaking pera ang eroplano dahil tatlong armored vehicle mula sa bangko sentral ang dumating at naghakot ng mga laman nito.