BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines — Kamatayan ang sinapit ng mag-utol at lola nila habang nasa kritikal naman kalagayan ang mag-asawa at isa pang anak makaraang mahulog ang SUV Toyota Hilux sa may 50 metrong lalim na bangin sa hangganan ng Barangay Ambuklao sa bayan ng Bokod at Barangay Tinongdan sa bayan ng Itogon, Benguet noong Sabado ng hapon.
Kabilang sa mga namatay ay ang mag-utol na sina Judea Layno, 13; Juleah Layno, 9; at ang lola na si Fely Layno, 60, ina ni SPO3 Layno habang kritikal naman ang mag-asawang Judith Layno, 30; at SPO3 Jeofel Berlito Layno, at anak na si Joreich Layno, 2, mga residente ng Barangay Macate sa bayan ng Bambang, Nueva Vizcaya.
Ayon kay P/Chief Insp. Vincent Tamid-ay, hepe ng Bokod police station pauwi na sa bayan ng Bambang mula sa Baguio City ang mga biktimang lulan ng Toyota Hilux (RBV967) na minamaneho ni SPO3 Layno nang mawalan ng kontrol ang sasakyan saka nahulog sa may 50-metrong lalim ng bangin sa Sitio Guesit sa nasabing lugar.
Ayon kay P/Chief Insp. Claveria Villegas, hepe ng Bambang Police Station, nakatawag sa kanya si SPO3 Layno na kanyang inaanak sa kasal para iparating ang naganap na insidente.
Nabatid na ipinasyal ni SPO3 Layno ang kanyang pamilya sa Ilocos at Baguio City matapos makakuha ng bakasyon noong Pasko at Bagong Taon.
Sa panig naman ni P/Chief Insp. Alexander Balut, hepe ng Dupax del Sur Police Station kung saan nakadestino si SPO3 Layno na hindi pa umano bumalik ang malay ni Layno na nasa kritikal na kalagayan kabilang na rin ang asawa nito na kapwa nasa Baguio General Hospital.