NORTH COTABATO, Philippines — Kamatayan ang sinapit ng walong magkakamag-anak habang lima naman ang nasugatan makaraang sumabog ang mortar na pinukpok sa kanilang bunkhouse sa Sitio Washington, Barangay Guban sa bayan ng Sirawai, Zamboanga del Norte noong Miyerkules ng gabi.
Kinilala ang mga biktimang namatay na sina Marcelo Antogan, 21; Roel Balamban, 18; Roberto Timgulaan, 9; Loed Timbulaan, 8; Ben Timbulaan, 6; Lade Balamban, Jeofer Timbulaan, at si Junrey Sango, kapwa 18-anyos.
Patuloy naman ang mga biktimang malubhang nasugatan na sina Lito Timbulaan, 37; Joey Sundongon, 18; Edick Malanao, 18; Arnel Quemas, at si Junrey Quemas.
Sa police report na nakarating kay P/Senior Supt. Raul Tacaca, Zamboanga del Norte police director, bandang alas-5 ng hapon nang maganap ang pagsabog sa bunkhouse ng Sirawai Plywood Lumber Corp.
Gayunman, bandang alas-10:30 na ng gabi iniulat sa himpilan ng pulisya ni Melecio Arcenal, chief security ng nasabing kompanya.
Bandang alas-9 ng gabi nang dumating sa pampublikong ospital sa Zamboanga City ang mga biktimang magkakapatid.
Base sa salyasay ng tiyuhing si Wilson Simbulaan, pinulot ng isa sa namatay na si Karding Antugon ang mortar at dinala ito sa kanilang bunkhouse.
Posible umanong pinakialaman o pinukpok nito ang napulot na explosive na nagresulta para ito sumabog.
Nabatid na ang mortar na napulot ni Antugon ay pag-aari ng nasabing kompanya na ginagamit para wasakin ang malalaking bato.
Hindi umano sumabog ang mortar na kasama ng iba pang mga pinasabog noong nakalipas na araw kaya kinuha ito ng isa sa mga biktima.