OLONGAPO CITY, Philippines — Pinaniniwalaang hinalay muna bago pinatay ng durugista ang hindi pa kilalang babae sa panibagong karahasang naganap sa tabing-ilog sa Barangay Sta. Rita, Tabacuhan, Olangapo City sa Zambales kamakalawa ng umaga.
Kasalukuyang bineberipika ng pulisya ang pagkakakilanlan sa biktima na nasa edad 30 hanggang 33, may limang talampakang taas, kayumanggi.
Bandang alas-6 ng umaga nang matagpuan ng mga residente ang bangkay ng babae na may sugat sa ulo at bibig na sinasabing pinalo.
Narekober sa tabi ng bangkay ang resibo ng electric bill na sinasabing naiwan at magsisilbing lead ng pulisya para matukoy ang suspek.
Naalarma naman ang mga residente sa sunud sunod na patayan at karahasan ang nagaganap sa nasabing lungsod.
Samantala, hindi naman mahagilap si P/Senior Supt. Melchor Cabalza, city police director kaugnay sa brutal na pagpatay sa nasabing babae at patuloy na karahasang nagaganap sa nasabing lungsod.