MANILA, Philippines — Isang pulis at 4-buwang sanggol na babae ang nasawi habang tatlong pulis at tatlong sibilyan pa ang malubhang nasugatan matapos na tambangan ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang behikulo ng pulisya sa bayan ng Talakag, Bukidnon nitong Huwebes ng hapon.
Kinilala ni Supt. Lemuel Gonda, spokesman ng Northern Mindanao Regional Police ang mga nasawi na sina SPO3 Arnel Carillo at ang sanggol na babae na si Malysha Machorao na nasapol ng bala sa noo.
Ang mga nasugatan ay nakilalang sina Inspector Joven Acuesta, hepe ng Bombaran, Lanao del Sur Police; SPO1 Pacifico Cabudoy; PO1 Nathaniel Ibal; Ali Citi, 53, tinamaan ng bala sa kaliwang dibdib; Ali Aminsalam, 37-anyos at Alexander Maniscan.
Sa ulat, naganap ang pananambang sa Mahindra Police Patrol vehicle na sinasakyan ng nasabing hepe at mga tauhan nito at sa kulay abong Toyota Fortuner (UNI 707) na sinasakyan naman ng mga sibilyan sa kahabaan ng KM 28, Brgy. Tikalaan, Talakag dakong alas-5:30 ng hapon.
Ayon naman kay Sr. Insp. Jemar delos Santos, PIO ng ARMM Regional Police, ang tinambangang mga pulis ay nakatalaga sa Lanao del Sur Provincial Police Office (PPO) na nagtungo lamang sa Bukidnon matapos na dumalo sa isang kumperensya. Habang binabagtas ng patrol car ang lugar lulan ang mga pulis nang biglang paulanan sila ng bala ng nakaposisyong mga rebelde at nadamay ang kasunod nilang sasakyan ng mga sibilyan. nilang “hot pursuit” operations laban sa mga nagsitakas na rebelde.