4 bagitong pulis na senglot tiklo sa gun ban
QUEZON, Philippines — Apat na bagitong pulis ang inaresto ng kanilang mga kasamahang pulis makaraang lumabag sa ipinatutupad na ASEAN Summit gun ban at masangkot sa panggugulo sa resto bar sa Lucena City, Quezon kahapon ng madaling araw.
Una nang ipinatupad ni PNP Chief P/Director General Ronald “Bato’ dela Rosa, ang 15-araw na gun ban simula Nob. 1 hanggang 15, 2017 sa National Capital Region (NCR), Central Luzon at CALABARZON (Region IV A) kaugnay ng gaganaping ASEAN Summit sa bansa.
Nakatakdang kasuhan ang mga pulis na sina PO1 Jeriel Suarez de la Cruz ng NCRPO na naaktuhang walang habas na nagpaputok ng service firearm sa Central Park Garden Café sa Brgy. Ilayang Dupay; POI Robert Boneo, POI Maynard de Rama, at PO2 Michelle Encanto, mga nakatalaga sa Burdeos MPS.
Arestado rin ang dalawang kasamahan ng mga pulis na sina Elmer Boneo, teacher; at Jose Javier.
Ayon kay P/Supt. Reynaldo Maclang, chief of police sa nasabing lungsod, nag-iinuman ang mga suspek sa Central Park Garden Resto bar subalit nang malasing ay pinaputok ni POI de la Cruz ang kanyang service firearm na cal. 9mm pistol.
Agad na rumesponde sina SPOI Jake Latonero, PO2 Jake Velasquez at POI Aaron Palisoc kung saan inaresto ang mga senglot na suspek.
Nahaharap ngayon sa kasong alarm and scandal, indiscriminate firing at paglabag sa ASEAN Summit gun ban ang mga suspek.
Alinsunod sa umiiral na gun ban ay bawal magdala ng mga baril ang mga sibilyan at ang tanging pinahihintulutan ay ang PNP, AFP at iba pang law enforcement agencies pero kung naka-duty lamang ang mga ito at nakasuot ng kumpletong uniporme.
- Latest