OLONGAPO CITY, Philippines — Ikinasa ng mga awtoridad ang malawakang pagtugis laban sa beteranong pulis na miyembro ng Zambales Provincial Police Office (ZPPO) dahil sa pagkakasangkot nito sa serye ng modus operandi ng ‘rentangay ng mga sasakyan’. Kabilang sa mga nabiktima ng suspek na si SPO1 Ronbaldo Robianes ay sina Olongapo City Councilor Zar Panlaqui at Jho Floresca pero masuwerteng nabawi naman ni Panlaqui ang dalawang sasakyang isinangla ni Robianes sa casino.
Sa tala ng Zambales Provincial Police Office, absence without official leave (AWOL) si Robianes simula pa noong Oktubre 4, 2017.
Isang beses lang nagpakita ang suspek sa kampo simula nang malipat mula sa Pampanga Provincial Police Office at may walong kasong kriminal ang naisampa laban sa kanya.
Nabatid na limang beses nang naaresto si Robianes pero nakapagpiyansa ito.
Ayon pa sa ulat, dalawang kasong administratibo ang hinaharap ngayon ni Robianes sa Regional Internal Affairs Service. Tiniyak naman ng Zambales PPO na masisibak sa serbisyo at makukulong ang suspek.