MARIVELES, Bataan , Philippines — Apat na Pinay na hinihinalang isinadlak sa prostitusyon sa Malaysia ang nagpapasaklolo ngayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) at National Bureau of Investigation NBI makaraang umano’y mabiktima ng kanilang kapitbahay na illegal na nag-recruit upang magtrabaho sa Labuan Island noong Setyembre.
Ang mga biktima na itinago sa pangalang Ann, 30, dalaga ng Lamao; Mary, 31; Elena, 30 at Lenie, 25, kapwa dalaga, pawang taga Mariveles.
Ayon sa pagkakatiwalaang source, lumapit sa kanya ang mga magulang ng biktima para humingi ng tulong matapos na ma-recruit ng kanilang kapitbahay na si Rean Cervantes Seguio ang kanilang mga anak na dalaga para magtrabaho sa Malaysia sa pangakong may malaki silang kikitain.
Sinabi umano ni Cervantes sa mga biktima kaharap ang mga magulang na magtatrabaho sila bilang waitress/singer sa Kings KTV Lounge sa Labuan Island, Malaysia kung saan sa tip pa lamang umano ng mga parokyano ay malaking kita na bukod pa ang ibibigay na suweldo sa kanila kung kaya napapayag ang mga biktima.
Sinabi ng source, idinaan sa back door sa bahagi ng Cagayan ang mga biktima para makarating sa kanilang destinasyon at pagdating sa Labuan Island ay kalbaryo na ang kanilang sinapit. Kinumpiska umano lahat ang kanilang cell phone at buti na laman ay naitago ng isa sa kanila ang isa pa niyang cell phone sanhi upang makatawag sa magulang at nakikipag-usap siya kung minsan sa loob ng aparador sa kaanak na nasa Pilipinas.
Ikinuwento ng mga biktima na kung hindi sila masasagip ng DFA at NBI sa loob ng 10 araw mula ngayon ay ibebenta sila sa ibang KTV bar sa Malaysia at kung hindi magbibigay ng halagang P70,000 kada isa sa kanila.
Nakararanas umano sila ngayon ng matinding pang-aabuso sa kamay ng mga Malaysiano at kapag hindi sila sumunod sa utos na makipagtalik ay latay umano sa iba’t ibang parte ng katawan ang kanilang dinaranas.
Hiling ng mga kamag-anak ng biktima kay Bataan Police Director Sr. Supt. Benjamin Silo Jr. na madakip agad ang kanilang recruiter para masampahan ng demanda upang hindi na makapag-recruit pa ng ibang babae.