NORTH COTABATO, Philippines — Naaresto ng pinagsanib na elemento ng militar at pulisya ang 27-anyos na bomb expert ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa isinagawang operasyon sa Barangay Sambulawan, Datu Salibo, Maguindanao noong Miyerkules ng hapon.
Isinailalim na sa tactical interrogation ang suspek na si Mahdi “Rok” Abdullah ng Barangay Pagatin sa nasabing bayan.
Si Abdullah na tinuturong nasa likod ng mga pamamaril sa mga sundalo sa nasabing lugar at responsible rin sa mga pambobomba sa convoy ng militar sa mga bayan ng Shariff Aguak, Pagatin, Mamasapano at sa bayan ng Shariff Saydona, Maguindanao.
Nasamsam kay Abdullah ang isang granada at plastic sachet ng shabu.
Kaugnay nito, pinasalamatan naman ni Army’s 6th Infantry Division Commander Major Gen. Arnel dela Vega ang tulong ng sibilyang tipster kaugnay sa mga galaw ng grupo ng BIFF na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.