MANILA, Philippines — Tatlong notoryus na miyembro ng robbery holdup at carnaping gang ang napaslang matapos na kumasa sa mga operatiba ng pulisya sa magkahiwalay na shootout sa Cagayan at Bulacan noong Miyerkules ng gabi.
Sa ulat ni P/Senior Supt. Warren Tolito, Cagayan provincial police director, dakong alas-8 ng gabi nang makasagupa ng pulisya ang limang armadong holdaper sa Barangay Gadu sa bayan ng Solana, Cagayan.
Bago ito ay hinoldap ng mga armadong lalaki na lulan ng dalawang motorsiklo ang estudyanteng si Jayem Caraguian, 19 na puwersahang inagaw ang motorsiklo nito.
Samantala, isinunod namang biktimahin si Christian Danao, 28, inagawan din ng motorsiklo matapos na holdapin saka tumakas patungo sa direksyon ng Kalinga.
Sa inilatag na checkpoint ay nakasagupa naman ng pulisya ang mga suspek na nanlaban hanggang sa mapatay ang dalawa habang arestado naman si Richard Culang, 32.
Target naman ng pursuit operations ang dalawang kasamahan ng tatlo na nakatakas.
Narekober ng pulisya ang dalawang kinarnap na motorsiklo, cal. 9mm Ingram, cal. 38 revolver at mga bala.
Iniulat naman ni P/Senior Supt. Romeo Caramat Jr., Bulacan provincial police director, nakasagupa ng kaniyang mga tauhan ang dalawang notoryus na holdaper sa Brgy. Poblacion, bayan ng Sta. Maria, Bulacan.
Napatay sa shootout ang isa pang holdaper na inaalam pa ang pagkakakilanlan habang nakatakas naman ang kasamahan nito.
Positibo namang kinilala ng vendor na hinoldap na si Ruby Gumasing, 37, ng Brgy. Pulong Buhangin, Sta. Maria.
Si Gumasing ay natangayan ng mga suspek ng P800.00 na kinita nito.
Narekober sa crime scene ang cal. 38 revolver, dalawang plastic sachet na shabu, mga basyo ng bala ng cal. 9mm pistol at iba pa.