MANILA, Philippines — Apat katao ang nasawi habang nasa 45 pa ang sugatan makaraang sumabog ang higanteng water tank na nangwalis sa mga kabahayan sa Brgy. Muzon, San Jose del Monte City, Bulacan nitong Biyernes ng madaling araw.
Kinilala ang mga nasawi na sina Jimmy Garcia, 50, isang volunteer na nasawi sa pagkalunod; Elanie Chamzon, 22, tinamaan ng debris; Jaina Espina, 1-anyos at Nina Ape, 1-anyos na binawian ng buhay sa opsital.
Nilalapatan naman ng lunas sa pagamutan ang 45 pang katao kabilang ang dalawa na nasa malubhang kalagayan.
Sa report ni San Jose del Monte City Police Director P/Supt. Fitz Macariola, alas-3:30 ng madaling araw nang bumigay at sumabog ang water tank na bumagsak sa may 60 kabahayan kasabay ng pagragasa ng libu-libong litro ng tubig habang mahimbing na natutulog ang mga biktima.
Ayon kay Macariola, nasa 2,000 cubic meters ng tubig ang laman ng water tank o mahigit 9,000 drums kung saan nasa 13 metro ang taas nito. Ang pagragasa ng tubig ay nakaapekto sa may 60 magkakatabing kabahayan kabilang ang isang police station at gasoline station. Naapektuhan din ang mga nakaparadang sasakyan kabilang ang police car sa lugar.
Ayon sa caretaker ng water tank, may narinig silang tunog ng pagbitak ng tangke bago ito sumabog at tuluyang mawasak.
Inihayag pa ng opisyal na ginagamit ng Water District ng San Jose del Monte ang tangke na posibleng puno ito ng tubig kaya bumigay.
Tiniyak naman ni San Jose del Monte City Mayor Arthur Robes na regular na iniinspeksyon ang tangke ng tubig. Kasalukuyan namang sinusuri ng City Engineering Office ang nawasak na tangke.
Sinabi naman ni Engr. Loreto Limcolioc, general manager ng San Jose del Monte Water District, hindi pa nila alam ang sanhi ng pagsabog ng tangke na may pitong taon na at regular naman umanongg minamantine.