9 timbog sa drug bust

BULACAN , Philippines  — Kalaboso ang 9 na kataong sinasabing tulak at sugapa sa shabu matapos na isagawa ng pulisya ang drug bust operation sa Brgy.Batia, Brgy.Tambubong at Brgy.Caingin sa Bocaue, ng lalawigan, Huwebes ng madaling araw. Kaagad na sinampahan ng mga kaukulang kaso ang mga suspek na sina Marivic “Vilma” Pedrico, 43; Nestor Victoria, 47; Ferdinand Dela Cruz 51; Jinbo Rivera, 19; Jay Rivera, 35; pawang ng Brgy.Tambubong; Reynaldo “Rey” Cordero, 41; Robie “Buto” Silva 26, pawang sa Northville 5, Brgy. Batia; Christopher “Bong” Sebastian, 42, at Princess Joy Castillo, 19, kapwa ng Brgy. Caingin pawang sa bayang ito. Sa ulat na isinumite ni P/Supt. Jowen Dela Cruz, hepe ng Bocaue Police sa Kampo Alejo Santos, dakong alas-4:00 ng madaling araw nang bumili ng isang sachet ng shabu ang poseur buyer na pulis sa suspek na si alyas Vilma sa loob ng bahay nito sa Brgy. Tambubong at nang makuha na ang item kapalit ang marked money ay dito na siya inaresto. Naaktuhan naman sa lugar ang apat na iba pa habang nagpa-pot session sa loob ng isang kuwarto na pag-aari ng suspek. Kasunod nito, ay muling isinagawa ni P/SInsp. Jayson Quijana deputy chief of police ang operasyon laban kay alyas “Rey” sa  bahay nito sa Brgy. Batia at nang matanggap na ang ilegal na shabu ay dito na siya inaresto kasama ang kasabwat nitong si alyas Buto. Natimbog din sina alyas Bong at Castillo matapos na matanggap ang marked money kapalit ang ibinebentang shabu sa poseur buyer na pulis. Narekober sa tatlong operasyon ang may 25 sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P48,000, P1,500 marked money at drug paraphernalias.

Show comments