MANILA, Philippines - Dalawa-katao ang namatay habang isa naman ang nasugatan makaraang yanigin ng 5.1 magnitude na lindol sa Ormoc City at sa bayan ng Albuera, Leyte kahapon ng umaga.
Sa ulat na nakarating sa NDRRMC, kabilang sa namatay ay sina Maria Contretas, 51, ng Brgy Naungan; at Rosita Baloro, 70, ng Brg.y San Jose, Ormoc City.
Si Contretas ay namatay dahil sa pagkabagok ng ulo matapos itong madulas habang si Baloro naman ay inatake sa puso habang lumilindol.
Habang ginagamot naman sa ospital ang 20-anyos na babae na nahulog mula sa ikalawang palapag ng gusali.
Sa pagtaya ng NDRMMC, umaabot sa 56 bahay ang bahagyang nawasak sa Barangay Altavista, Ormoc City dahil pa rin sa lindol.
Una na ring sinabi ni Office of Civil Defense (OCD-8) regional director Edgar Posadas na batay sa inisyal na ulat may ilang hotel at establisiyemento ang nagkaroon ng bitak.
Nilinaw din ni Posadas na maaaring magamit ng mga motorista ang lahat ng kalsada sa Eastern Visayas base na rin sa isinumiteng ulat ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Pinawi naman ng opisyal ang pangamba ng tsunami alert sa kabila ng inaasahang mga aftershock.
Dahil sa lakas ng lindol ay sinuspendi naman ng lokal na pamahalaan ng Ormoc City ng mga klase.
Matatandaan na noong Hulyo lamang nang tumama rin ang malakas na lindol sa Ormoc City kung saan maraming eskwelahan, establisyemento, kabahayan at iba pa ang nawasak.