NORTH COTABATO , Philippines – Patay ang dalawa katao habang isa pa ang sugatan matapos araruhin ng forward truck ang kanilang sinasakyang payong-payong tricycle sa barangay Pigcalagan, Sultan Kudarat, Maguindanao, pasado alas singko ng hapon nitong Miyerkules. Kinilala ni Sultan Kudarat Police chief, Chief Insp. Esmael Madin ang mga nasawi na sina Abdul Kadali, 53, may-asawa, magsasaka na nagmamaneho ng tricycle at ang sakay nitong si Samen Usop, 21-anyos, estudyante. Bagaman at naisugod pa sa pagamutan sa Cotabato City ang dalawa ay idineklara silang dead-on-arrival. Nagpapagaling naman ngayon sa ospital ang isa pang sugatang pasahero na si Abusama Usop, 60 anyos, na isa ring magsasaka. Nag-overtake sa isa pang sasakyan ang forward truck (GHC 453) at minamaneho ni Christopher Bigbig, 25, may-asawa at taga Barangay Limbo ng nasabing bayan dahilan para sumalpok sa kasalubong na Payong-payong na sinasakyan ng tatlong mga biktima.