MANILA, Philippines - Bumagsak sa mga operatiba ng Philippine National Police-Anti Kidnapping Group (PNP-AKG) ang isang barangay chairman na umano’y mastermind sa pagdukot at pagpatay sa isang negosyanteng Filipino-Chinese at driver nito na sinunog ang kanilang mga bangkay sa quarry site ng suspect sa Angat, Bulacan, ayon sa opisyal kahapon.
Sa press briefing sa Camp Crame, sinabi ni PNP-AKG Spokesman Supt. Abel Borromeo na nasakote dakong alas-5 ng hapon kamakalawa sa kanyang tahanan ang suspect na si Apolinario Marcelo Jr., chairman ng Brgy. Pulong Yantok, Angat, Bulacan at nakatira sa Apol Subdivision, KM 43, Brgy. Pulong Buhangin, Sta. Maria, Bulacan matapos siyang iturong mastermind sa pagdukot, pagpatay at pagsunog sa negosyanteng si Edeltrudes Lee Tan alyas Edel, 59 anyos ng Xavierville 3, Loyola Heights, Quezon City at driver nitong si Jayson Puyo, 30 ng Brgy. Prenza, Marilao.
Unang napaulat na nawawala ang negosyante ang kanyang driver noong Marso 25, 2017 habang patungo sila sa Tan’s Poultry Farm sa Sitio Sentinela, Brgy. Pulong Yantoc, Angat, Bulacan ng alas-3 ng hapon matapos silang dukutin at pagbabarilin ng mga armadong kalalakihan. Natagpuan ng mga awtoridad na tadtad ng mga tama ng bala ang kanilang sasakyan sa Norzagaray, Bulacan.
Nabatid na ibiniyahe ang bangkay ng dalawa mula Sitio Diliman, Norzagaray, Bulacan lulan ng dumptruck bandang alas-5:40 ng gabi bago sila dinala sa quarry site sa Angat na pag-aari ni Marcelo at saka doon binuhusan ng gasolina at sinilaban gamit ang mga gulong upang itago ang krimen.
Sa pahayag naman ni Ruben Tan, mister ng ginang, ang mga kidnappers ay humingi ng P2 milyong ransom kapalit ng pagpapalaya sa mga biktima na naibaba sa P750,000. Dito na dumulog at humingi ng tulong ang pamilya Tan sa PNP-AKG.
Nabunyag ang krimen matapos na sumuko ang driver na si Adriano del Rosario na umamin sa partisipasyon nito at ikinanta si Marcelo na siyang utak sa malagim na pagdukot at pagpatay sa mga biktima.
Sa raid ng PNP-AKG, PPSC at Sta. Maria Police bitbit ang search warrant sa bahay ng chairman dakong alas-4:48 ng madaling-araw nitong Sabado, nasamsam ang tatlong pistol, isang shotgun at apat na paso na ang mga lisensya mula sa bahay ng tserman habang pinaghahanap ang apat pang suspek na sina Oliver Marcelo, Ariel Seraspe alyas Ariel, alyas Kune at alyas Ronel.
Positibo naman ang testimonya ni del Rosario at narekober ng Bulacan Police Crime Laboratory ang sunog na mga labi ng mga biktima at mga personal nilang kagamitan sa quarry site.